Sa sangkapuluang ito na kung tawagi’y Pilipinas o ayon sa iba’y Filipinas, hindi magkakaunawaan sa pamamagitan nang tinatawag na pambansang wikang Filipino. Bakit? Sapagka’t ang wika nang pakikipagtalastasan ay yaong nauunawaan nang lahat. Sino ba ang makakaunawa sa isang wikang “artificial” na ibinatay sa Tagalog at nilangkapan din raw nang manga salita mula sa iba’t ibang wika nang Pilipinas? Ano ba ang wikang nauunawaan nang lahat? Ang lahat ba ay nakakaunawa at nakakapagsalita nang Ingles? Lahat ba ay nakakapagsalita at nakakaunawa nang Español? Lahat ba ay nakakapagsalita at nakakaunawa nang Tagalog, nang Bisaya, nang Ilokano, nang Kapangpangan? Hindi. Kausapin mo ako sa Kapangpangan, at mauunawaan ko lang ay ilang manga salita. Gayundin sa Bisaya, kaunti lamang ang aking mauunawaan. At ang iba pang manga salita na sasabihin ko ay hindi ko na maunawaan pa. Bakit? Sapagka’t hindi iyan ang wika na magkakaunawaan tayo. Ngayon, mag inglesan tayo, kahit na “English carabao” pa, ika nang iba, ayun, magkakaunawaan tayo sapagka’t ito ang wikang ginagamit natin sa pakikipagtalastasan maging sa “social media”. Sa manga asyano, ang manga Pilipino raw ang ilan sa pinakamagagaling sa pagsasalita nang wikang ingles.
Bakit pag may manga Bisaya, Bikolano, Ilokano, Kapangpangan at iba pang mula sa manga “bansa” o “pagkatutubong” dako nila, ay dumayo sa bansang Katagalugan lalo na sa Kamaynilaan, ay hindi sila nagsasalita sa pakikipag-usap nila sa nangasa Kamaynilaan sa kanilang katutubong wika kundi sa Tagalog? Sapagka’t sa kanilang kaisipan ay Tagalog ang “tulay” na wika na pagkakaunawaan nila. Hindi rin sila nag-iingles kapag kausap ang manga Tagalog. Hindi ko rin alam, ngunit ang napansin ko laang, ay para bagang kapag nakipag-usap ka nang ingles sa kapuwa mo Pilipino ay alanganin. Isa pa, hindi lahat ay magaling mag-ingles o marunong mag-ingles. Ika nga nang iba, “Bakit ako mag-iingles ay hindi naman ako Kano?”. Hindi lahat ay nakakapagsalita nang mahusay na ingles o tuluy-tuloy na ingles. Kung kaya’t ang kadalasang maririnig natin ay “Taglish” na hindi marapat.
Ang pagkatuto nang iba’t ibang wika ay lubhang napakahalaga. Nguni’t lalo’t higit sa lahat ang pagkabihasa sa paggamit nang iyong katutubong wika sa pakikipag-usap at sa pagsusulat nito. Dapat aralin nang bawa’t isa ang kani kaniyang katutubong wika sa kaniyang bansang kinabibilangan. Maaari kong isulat sa wikang Ingles ang manga pahayag kong ito ngunit minabuti ko ring sa wikang Tagalog ko ito isulat sapagkat lalo kong napapahalagahan ang sariling wika ko kapag ginagamit ko ito. Lalo na kung gagamitin ko pa ang katutubong sulat nang manga Tagalog, ang Baybayin, na binubuo nang 3 patinig at 14 na katinig. Ito ang aking sulat, ang Baybayin, na ninanais at nilulunggati kong matutuhan din naman nang ibang manga kababayan kong Tagalog, at ganun din nang manga Ilokano, Bisaya, Kapangpangan, Bikolano at Pangasinan dahil ito rin ang kanilang sulat bagamat iba ang tawag nila rito.
Taliwas sa sinasabi nang iba na pinapatay raw nang Tagalog ang kanilang manga katutubong wika, hindi po totoo yun. Sapagka’t sila sila rin ang may pananagutan sa bagay na iyan, kung hahayaan nilang mamatay ang kanilang manga wika. Hindi nila dapat sisihin ang Tagalog. Sa manga kaibigan kong taga Indonesya, Thailand, India, Japan, Korea, Tsina, Malaysia, at iba pang nangasa Asya, ang wika nang pakikipagtalastasan namin ay Ingles dahil ito ang wika na nauunawaan at kayang salitain naming lahat. Alangan namang tagalugin ko sila. Alangan namang kausapin nila ako sa kanilang manga wikang Hapon, Intsik, o ano pa man. Hindi ko yun mauunawaan. Ang mahalaga sa pakikipagtalastasan ay ang pagkakaunawaan nang maliwanag sa sinasabi nang bawat panig.
Ngayong Buwan nang Agosto, na tinatawag nang Pamahalaan na “Buwan ng Pambansang Wika” ay itaguyod natin ang ating manga Katutubong Wika. Ito ay marapat tawaging “Buwan nang manga Katutubong Wika” ( #buwannangmangakatutubongwika2017 ) dahil iyon ang dapat nating bigyang-diin. Katutubong wika at hindi isang wikang “artificial” at “huwad”. Kung mayroon tayong manga katutubong sulat, mayroon din naman tayong manga katutubong wika. Ang buwan nang Abril ang buwan nang manga katutubong sulat, at ang buwan naman nang Agosto ang buwan nang manga katutubong wika.
Ang manga katutubong wikang ito ang dapat palawigin at paunlarin. Hindi sila kailangang pagsamahin sa iisang wika at tawaging “Filipino”. Magkaiba ang bawa’t balarila at palatitikan nang bawa’t wikang katutubo natin kaya’t hindi maaaring pagsamahin. Hindi kailangang gumawa o kumatha nang isang wikang “artificial” gaya nang Filipino upang tayo’y magkaunawaan. Paunlarin na lang ang bawa’t katutubong wika sa kapuluan. At kung ano ang bansa, ay ganoon dapat ang wika. Halimbawa, sa bansang Katagalugan, ang dapat na opisyal na wika ay ang Tagalog. Sa bansang Kapangpangan, ay kapangpangan dapat ang opisyal na wika. Ganoon din sa bawa’t bansa gaya nang sa Kabisayaan, Kailokanuhan, Kabikulan at iba pa.
Sa manga taong may magkakaibang wika, nararapat lamang na gumamit sila nang isang wikang mauunawaan nilang lahat o yung “common”. At iyan ang “communication”. Ibig sabihin nito ay “to make common”. Ano ba ang wika na “common” sa lahat? Hindi lang yan isang wika. Maaaring ito ay English, maaaring Tagalog, maaaring Intsik o anuman. Saan ba tayo magkakaunawaan na wika? Pag nasagot ninyo yan, ayun ang “wika nang pakikipagtalasatasan” o “language of communication”.


