Ang Inukit / Ukitan ay Sulat Tagalog. Hindi ito ABCD, ABECEDARIO o ALPHABETA kundi isang ABAKADANG PALAPANTIGAN (syllabic alphabet; alphasyllabary). Ito ang Katutubong Sulat nang Bansang Katagalugan at nang lahat nang Bansa nang Sangkapuluang ito. Itinataguyod at isinusulong namin unang-una ang Ukitan, na Sulat Tagalog sa Bansang Katagalugan.

Saturday, August 12, 2017

ANG WIKA NANG PAKIKIPAGTALASTASAN


COMMUNICATION (n.)
late 14c., from Old French comunicacion (14c., Modern French communication), from Latin communicationem (nominative communicatio), noun of action from past participle stem of communicare "to share, divide out; communicate, impart, inform; join, unite, participate in,literally "TO MAKE COMMON," related to communis "common, public, general" (mula sa etymology.com)

PAKIKIPAGTALASTASAN
ᜉᜃᜒᜃᜒᜉᜆᜎᜆᜐ

WIKA NANG PAKIKIPAGTALASTASAN
ᜏᜒᜃ᜶ᜈ᜶ᜉᜃᜒᜃᜒᜉᜆᜎᜆᜐ᜶
Language of Communication

Ano ba ang pambansang wika nang Pilipinas? Ito ba ay Ingles, Filipino o Tagalog? Hindi po. Hindi Ingles ang pambansang wika nang Pilipinas, hindi rin Filipino, at hindi rin Tagalog, bagamat nakasaad ito sa saligang batas ng Pilipinas. Ang wikang Ingles ay wikang pang “international”. Ito ang wikang ginagamit natin sa pakikipagtalastasan sa iba’t ibang tao na may iba’t ibang wika sa sandaigdigan.


Sa sangkapuluang ito na kung tawagi’y Pilipinas o ayon sa iba’y Filipinas, hindi magkakaunawaan sa pamamagitan nang tinatawag na pambansang wikang Filipino. Bakit? Sapagka’t ang wika nang pakikipagtalastasan ay yaong nauunawaan nang lahat. Sino ba ang makakaunawa sa isang wikang “artificial” na ibinatay sa Tagalog at nilangkapan din raw nang manga salita mula sa iba’t ibang wika nang Pilipinas?
Ano ba ang wikang nauunawaan nang lahat? Ang lahat ba ay nakakaunawa at nakakapagsalita nang Ingles? Lahat ba ay nakakapagsalita at nakakaunawa nang Español? Lahat ba ay nakakapagsalita at nakakaunawa nang Tagalog, nang Bisaya, nang Ilokano, nang Kapangpangan? Hindi. Kausapin mo ako sa Kapangpangan, at mauunawaan ko lang ay ilang manga salita. Gayundin sa Bisaya, kaunti lamang ang aking mauunawaan. At ang iba pang manga salita na sasabihin ko ay hindi ko na maunawaan pa. Bakit? Sapagka’t hindi iyan ang wika na magkakaunawaan tayo. Ngayon, mag inglesan tayo, kahit na “English carabao” pa, ika nang iba, ayun, magkakaunawaan tayo sapagka’t ito ang wikang ginagamit natin sa pakikipagtalastasan maging sa “social media”. Sa manga asyano, ang manga Pilipino raw ang ilan sa pinakamagagaling sa pagsasalita nang wikang ingles.


Bakit pag may manga Bisaya, Bikolano, Ilokano, Kapangpangan at iba pang mula sa manga “bansa” o “pagkatutubong” dako nila, ay dumayo sa bansang Katagalugan lalo na sa Kamaynilaan, ay hindi sila nagsasalita sa pakikipag-usap nila sa nangasa Kamaynilaan sa kanilang katutubong wika kundi sa Tagalog? Sapagka’t sa kanilang kaisipan ay Tagalog ang “tulay” na wika na pagkakaunawaan nila. Hindi rin sila nag-iingles kapag kausap ang manga Tagalog. Hindi ko rin alam, ngunit  ang napansin ko laang, ay para bagang kapag nakipag-usap ka nang ingles sa kapuwa mo Pilipino ay alanganin. Isa pa, hindi lahat ay magaling mag-ingles o marunong mag-ingles. Ika nga nang iba, “Bakit ako mag-iingles ay hindi naman ako Kano?”. Hindi lahat ay nakakapagsalita nang mahusay na ingles o tuluy-tuloy na ingles. Kung kaya’t ang kadalasang maririnig natin ay “Taglish” na hindi marapat.

Mayroon pang manga taong kapag kinausap mo nang ingles ay pagtatawanan ka, o sasabihan kang mayabang, sapagka’t sila nga din ay hindi nakakaunawa nito. Isang maling kaisipan ang ganiyan. Hindi naman tayo nag-iingles dahil mayabang. Kaya ano baga ang wikang magkakaunawaan sila? E di yaong wikang pangkaraniwang ginagamit sa Kamaynilaan, ang Tagalog. Hindi iyan ipinipilit nang manga Tagalog sa nagsidayo sa Kamaynilaan. Silang nangagsidayo ang “pumili” na salitain ang wikang Tagalog habang sila ay nasa Kamaynilaan. Nasanay na sila na ganoon ang ginagawa kapag kausap ang manga Tagalog. Ngunit maririnig din naman nating silang magsalita sa kanilang katutubong wika gaya nang Bisaya, Ilokano, Kapangpangan, Bikolano kapag kausap nila ang kanilang kapuwa Bisaya, Ilokano, Kapangpangan, Bikolano at iba pa. Noong ako ay nasa Pampanga, naririnig ko silang lahat ay nakikipag-usap sa isa’t isa sa wikang Kapangpangan. Ang sabi sa akin nang isa, “Puwede ka nang ibenta (ipagbili)”. Hahaha, iyun ay dahil hindi ko sila maunawaan. Maaari na daw akong ipagbili sa iba dahil hindi ko nauunawaan ang kanilang wika. Kung hindi nauunawaan ang salita nilang “potang bengi” (mamayang gabi) ay iisipin kong nagmumura sila at tinawag ka pang “bingi”. Hindi ko sila masisisi na magsalita nang wikang Kapangpangan sa kanilang bansa, sapagkat iyun ang kanilang katutubong wika, na dapat naman nilang gamitin sa pakikipagtalastasan sa isa’t isa. Hindi sila dapat magtagalog sa Bansang Kapangpangan. Ako na isang dayo roon ay dapat pag-aralan din ang kanilang wika upang matuto akong makipagtalastasan sa kanila sapagka’t nanduon ako sa kanilang bansa. Ako ang dapat mag “adjust”. Ngunit salamat din naman sa kanilang nag-a-adjust sa akin na isang Tagalog at nagsasalita rin naman sila nang Tagalog sa kanilang pook.

Kung nababasa mo itong sinulat kong ito at ikaw ay hindi isang katutubong Tagalog, at ang wika mo’y iba, mahusay sapagka’t nauunawaan mo ito. Mapalad kayong manga hindi Tagalog na nakakapagsalita at nakakaunawa sa wikang Tagalog dahil marunong na kayo sa inyong katutubong wika, marunong pa kayo sa Ingles, marunong pa kayong mangagtagalog at mangagsalita rin nang ibang wika sa sangkapuluan o sa ibang lupain pa.  Noong ako’y nasa Isabela, kinausap ako nang ilang manga Ilokano sa wikang Tagalog. Ang husay nila at matatas sa wikang Tagalog. Higit pang malalim at maayos ang pagsasalita nila nang Tagalog kaysa sa manga taga Kamaynilaan. Tapos marunong pa silang magsalita nang wika nang Ifugao, wika nang Ibatan at nang wika nang manga Bisaya. Humanga ako sa kanila. Samantalang ako na isang Tagalog ay Ingles at Tagalog laang ang nalalaman. Idagdag na lamang ang kaunting kaalaman ko sa manga salita nang ibang wika gaya nang Ilokano, Sinugbuanon, Hiligaynon, Pangasinan, Kapangpangan, Bikolano, Latin, Kastila, Pranses, Italyano, Yuni (Greek) at Obri (Hebrew).


Ang pagkatuto nang iba’t ibang wika ay lubhang napakahalaga. Nguni’t lalo’t higit sa lahat ang pagkabihasa sa paggamit nang iyong katutubong wika sa pakikipag-usap at sa pagsusulat nito. Dapat aralin nang bawa’t isa ang kani kaniyang katutubong wika sa kaniyang bansang kinabibilangan. Maaari kong isulat sa wikang Ingles ang manga pahayag kong ito ngunit minabuti ko ring sa wikang Tagalog ko ito isulat sapagkat lalo kong napapahalagahan ang sariling wika ko kapag ginagamit ko ito. Lalo na kung gagamitin ko pa ang katutubong sulat nang manga Tagalog, ang Baybayin, na binubuo nang 3 patinig at 14 na katinig. Ito ang aking sulat, ang Baybayin, na ninanais at nilulunggati kong matutuhan din naman nang ibang manga kababayan kong Tagalog, at ganun din nang manga Ilokano, Bisaya, Kapangpangan, Bikolano at Pangasinan dahil ito rin ang kanilang sulat bagamat iba ang tawag nila rito.


Taliwas sa sinasabi nang iba na pinapatay raw nang Tagalog ang kanilang manga katutubong wika, hindi po totoo yun. Sapagka’t sila sila rin ang may pananagutan sa bagay na iyan, kung hahayaan nilang mamatay ang kanilang manga wika. Hindi nila dapat sisihin ang Tagalog. Sa manga kaibigan kong taga Indonesya, Thailand, India, Japan, Korea, Tsina, Malaysia, at iba pang nangasa Asya, ang wika nang pakikipagtalastasan namin ay Ingles dahil ito ang wika na nauunawaan at kayang salitain naming lahat. Alangan namang tagalugin ko sila. Alangan namang kausapin nila ako sa kanilang manga wikang Hapon, Intsik, o ano pa man. Hindi ko yun mauunawaan. Ang mahalaga sa pakikipagtalastasan ay ang pagkakaunawaan nang maliwanag sa sinasabi nang bawat panig.


Ano ba ang nais kong bigyang-diin sa sulating ito? Hindi natin kailangan ang pambansang wika o lumikha pa nang isang pambansang wika sa kapuluang ito. Sa kasalukuyan, kung tayong nangarito sa kapuluang ito ay nagkakaunawaan sa pamamagitan nang Tagalog, magpasalamat tayo sapagkat nagkakaunawaan tayo. Kung dito tayo nagkakaunawaan, ito ang ating “wika nang pakikipagtalastasan”. Ngayon kung hindi naman tayo magkaunawaan sa Tagalog, at sa Ingles tayo magkakasalubong nang unawa, kung gayon, Ingles ang gamitin natin. Ngayon naman kung sa Koreano tayo magkakaunawaan, Koreano ang gamitin natin. Ngunit sinu-sino ba ang marunong sa Koreano at magsulat nang Hangeul?  L 😃 L  Mayroong iilan lalo na sa manga “millennials” na marunong niyan.

Kung ikaw ay Pilipino at kinausap kita nang Tagalog at sumagot ka sa Tagalog, ibig sabihin ay nauunawaan mo at kayang salitain ang wika ko, kaya’t ito ang gagamitin nating “wika nang pakikipagtalastasan”. Ngayon kung hindi ka marunong magtagalog at hindi rin naman ako marunong magbisaya, maghiligaynon, magbikol, magkapangpangan o mag ilokano, hindi tayo magkakaunawaan. Sa ganitong bagay, ang pinakaimainam ay gumamit tayo nang wikang nauunawaan nating lahat at ito ang wikang Ingles. Ngunit gaya nang sinasabi ko, hindi kailangan nang Pambansang Wika at ang Ingles ay hindi dapat maging Pambansang Wika sa Kapuluan. Hindi ako sumasang-ayon sa pananaw na kailangan nang Pambansang Wika. Ang naging suliranin ay ito, isinabatas na ito sa Saligang Batas nang 1987, na ang “opisyal” raw na wika ay ang “Filipino” at ang Ingles. “Playing safe” pa sila na hindi tinawag na “Tagalog” ang “Filipino”. Sabagay hindi naman talaga Tagalog ang Filipino dahil walang titik “f” sa wikang Tagalog. Pansinin ninyo ang pagkakasulat ko sa “ng” at “mga”. Sa palatitikang Filipino ay “mali” ang gawa kong ito, ngunit sa Tagalog ay TAMA! May kaunting pagkakaiba na nga lang ang gamit kong ito na Tagalog at ang matandang Tagalog. Sa Matandang Tagalog ay gumagamit nang tilde ~ sa ibabaw nang “ng”  (n~g) ngunit walang ganito sa pangkasalukuyang Tagalog. Sa Matandang Tagalog, kapag ang nakasulat ay “manga” ang basa dini ay “MANG-GA”, at sa “mañga” ay “MA-NGA”. Bago pa iminungkahi ni Gat Jose Rizal ang manga titik na K at W at Y bilang pamalit sa manga titik na C at U/O at I na ginagamit noon sa tunog na “K”, “W” at “Y” ay mayroon na namang tunog na “K”. “W” at “Y” sa sinaunang sulat natin, ang Baybayin (bby[). May titik KAKA (k), WAWA (w) at YAYA (y) sa Baybayin. Noon ay isusulat nila ang salitang ARAW bilang “ARAO” ngunit ang tunog niyan ay “ARAW” (ar) at hindi “ARA-O” (aro). Ang “O” na nasa hulihan ay gumaganap na katinig at ang tunog ay “W”. Ang WIKA ay isinusulat na “UIKA” subalit ang tunog ay “WIKA” (w[k) at hindi “U-IKA” (uik). Ang KALAMANSI (klms[) ay isinusulat na CALAMANSI.  Ang ganiyan ay dulot pa rin nang palatitikang Kastila. Kaya’t ang ginagamit na natin sa kasalukuyang palatitikan at abakada ay ang ABAKADANG ipinakilala  ni Lope K. Santos, ang may 5 patinig na A, E, I, O at U at may 15 katinig na BA, KA, DA, GA, HA, LA, MA, NA, NGA, PA, RA, SA, TA, WA AT YA. Walang titik CA, QA, FA, JA, ÑA, VA, XA at ZA. Hindi na natin kailangan pang isulat ang ARAW bilang ARAO kundi ARAW. Ang O,U at I ay hindi na natin gagamitin pang katinig. Ang titik W at Y ang nararapat na titik sa manga tunog na iyan. Sa kasalukuyang Tagalog na ito, ang panuntunan ay “KUNG ANONG BIGKAS AY SIYANG BAYBAY/SULAT”. Hindi na rin tayo gagamit pa ng ~ ukol sa NANG. Sa kasalukuyan, madaling maunawaan na ang MANGA ay “MA-NGA” mq at ang MANGGA ay “MANG-GA”   mg na dili na gumagamit nang “~”.

Ang Filipino ay isang “artificial” na wika. Iginaya ito sa Tagalog, at sinikap na langkapan nang manga salita/ tingig mula sa iba’t ibang wika nang kapuluan ngunit sa paraang Tagalog pa rin ang pangungusap. Alam ninyo naman marahil ang “TUNAY” at ang “HUWAD”.  Magkatulad lang sila. Sa pera alam natin ang tunay at huwad. Ganoon din sa wika. Ang TAGALOG ang TUNAY na WIKA. Ang FILIPINO ang HUWAD na WIKA. Nais ring baguhin ng FILIPINO ang pangalan ng kapuluan natin at gawin itong FILIPINAS mula sa PILIPINAS. Sapagka’t ang titik “f” daw ay kumakatawan sa iba’t ibang wika ng PILIPINAS na may “f”. Ano yung “f”? Hindi ba’t ito’y tunog na “feminine” at bakla (beki kung tawagin ngayon)? Mahirap gumawa nang isang Pambansang Wika mula sa iba’t ibang wika nang Kapuluan sapagkat kailangang isa alang alang mo ang palatitikan (ortography) at balarila (grammar) nang bawa’t wika na lubhang magkakaiba talaga. Ang pangalang PILIPINAS nga ay hindi rin naman angkop sa atin sapagkat ipinangalan ito batay sa pangalan nang hari nang España na nanakop at naniil sa ating manga ninuno, si haring Felipe II. Maaaring sabihin nang ilan na ang dating pangalan nang Kapuluan ay FELIPENAS, FILIPINAS na naging PHILIPPINES lang dahil sa mga Kano at naging PILIPINAS sa dila nang manga Tagalog. Ngunit bakit pa natin ibabalik ang pangalan nang ating kapuluan sa FELIPENAS o FILIPINAS?

Hindi ba tayo maaari pang pumili lahat nang isang pangalan sa kapuluan natin na kakatawan sa bawa’t bansa (ethno-linguistic group) sa kapuluang ito? May nangagmumungkahi na ang pangalang ipalit sa PILIPINAS ay MAHARLIKA   ᜋᜑᜎᜒᜃ. Ang Maharlika ay mula sa salitang Sanskrit na “Maharddhika” (very rich, prosperous or powerful) at sa Malay na “Merdeka” (free). Magandang pangalan ngunit kailangan pa ring isaalang-alang ang iba pang pamimilian. Isa pa, ang salitang “Maharlika” noong unang panahon sa Katagalugan ay isa lamang sa manga antas nang lipunan. Ang manga antas nang lipunan ay ang (1) Maginoo; (2) Maharlika; at (3) Alipin. Ang manga Maharlika ay ang malalayang mamamayan ngunit nangasa paglilingkod sa manga dato at manga Maginoo. Ang katumbas nang Maharlika sa manga Bisaya naman ay Timawa. Hindi tinawag noon na Maharlika ang bawa’t mamamayan at hindi rin tinawag na Maharlika ang kanilang lupain, ang sangkapuluang ito.

Mayroon din namang nagsasabi na marapat daw tawagin ang sangkapuluan bilang MA-I, MAYI, MAWAY, MAWAYAN, MAWI  ( ᜋᜁ᜵ ᜋᜌᜒ᜵ ᜋᜏ᜵ ᜋᜏᜌ᜵ ᜋᜏᜒ  ) at iba pang mungkahi. Gaya nga rin nang aking tinuran, kailangan nating isaalang-alang ang bawat mungkahi at pag-aralang mabuti kung ano nga ba talaga, na pinagtitibay rin naman nang manga kasulatan at kasaysayan at dili manga sabi-sabi o kathang-isip lamang.


Ngayong Buwan nang Agosto, na tinatawag nang Pamahalaan na “Buwan ng Pambansang Wika” ay itaguyod natin ang ating manga Katutubong Wika. Ito ay marapat tawaging “Buwan nang manga Katutubong Wika” ( #buwannangmangakatutubongwika2017 ) dahil iyon ang dapat nating bigyang-diin. Katutubong wika at hindi isang wikang “artificial” at “huwad”.  Kung mayroon tayong manga katutubong sulat, mayroon din naman tayong manga katutubong wika. Ang buwan nang Abril ang buwan nang manga katutubong sulat, at ang buwan naman nang Agosto ang buwan nang manga katutubong wika.


Ang manga katutubong wikang ito ang dapat palawigin at paunlarin. Hindi sila kailangang pagsamahin sa iisang wika at tawaging “Filipino”. Magkaiba ang bawa’t balarila at palatitikan nang bawa’t wikang katutubo natin kaya’t hindi maaaring pagsamahin. Hindi kailangang gumawa o kumatha nang isang wikang “artificial”  gaya nang Filipino upang tayo’y magkaunawaan. Paunlarin na lang ang bawa’t katutubong wika sa kapuluan. At kung ano ang bansa, ay ganoon dapat ang wika. Halimbawa, sa bansang Katagalugan, ang dapat na opisyal na wika ay ang Tagalog. Sa bansang Kapangpangan, ay kapangpangan dapat ang opisyal na wika. Ganoon din sa bawa’t bansa gaya nang sa Kabisayaan, Kailokanuhan, Kabikulan at iba pa.



Sa manga taong may magkakaibang wika, nararapat lamang na gumamit sila nang isang wikang mauunawaan nilang lahat o yung “common”. At iyan ang “communication”. Ibig sabihin nito ay “to make common”. Ano ba ang wika na “common” sa lahat? Hindi lang yan isang wika. Maaaring ito ay English, maaaring Tagalog, maaaring Intsik o anuman. Saan ba tayo magkakaunawaan na wika? Pag nasagot ninyo yan, ayun ang “wika nang pakikipagtalasatasan” o “language of communication”.

ᜂᜃᜒᜆ
- UKITAN